MANILA, Philippines - May 206 Pinoy pa ang nasa death row sa iba’t ibang bansa kabilang na ang 78 OFWs na nahatulan ng bitay sa China.
Bagaman dapat ipagpasalamat ang pagpapaliban ng eksekusyon sa tatlong OFWs na sina Ramon Credo, Sally Villanueva at Elizabeth Natividad, sinabi ni John Leonard Monterona ng Migrante Middle East na ngayon pa lamang ay dapat kumilos na ang pamahalaan upang umapela at hilingin sa mga lider ng bansa kung saan hinatulan ang mga Pinoy ng kamatayan na mabigyan ng reprieve, commutation o clemency ang mga Pinoy death convicts.
Sinabi ni Monterona na madalas na nagkukumahog ang pamahalaan at ibinibigay ang kanilang “best shot” sa huling minuto upang masagip ang mga OFWs.
Karamihan aniya sa mga OFW ay napapabayaan lalo na sa mga pagdinig sa kanilang kaso dahil walang legal team o abogado para sa kanilang depensa.
Sa Saudi Arabia, 8 ang nasa death row at nag-aantabay na pugutan ng ulo. May 121 Pinoy pa ang nakapiit at 13 dito ay drug related cases.
Noong Oktubre 2008, binitay si Venancio Ladion, 27, alias Jennifer Bidoya sa Saudi dahil sa pagpatay sa isang Saudi national noong 2005. Iginigiit ni Bidoya na ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili dahil tinangka siyang gahasain.
Si Bidoya ay hindi umano nakakuha ng anumang legal assistance mula sa gobyerno at nabigyan lamang siya ng interpreter at hindi lawyer sa kasagsagan ng kanyang trial.
Nabatid na huli na nang magpadala ng liham si dating Pangulong Gloria Arroyo na humihiling sa Saudi King na mabigyan ng commutation si Bidoya dahil naitakda na ang pagbitay.
Ang lima pang OFWs na napugutan sa Saudi ay sina Antonio Alvesa, Sergio Aldana, Miguel Fernandez, Wilfredo Bautista at Reynaldo Cortez.