MANILA, Philippines - Isinusulong ni Sen. Manny Villar na magkaroon ng batas kaugnay sa pagbibisikleta bilang alternatibong paraan ng pagbibiyahe sa harap ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng gasolina at pamasahe.
“Bukod sa maganda sa kalusugan at pangangatawan ang pagbibisikleta, ito rin ay alternatibong solusyon sa polusyon at nagmamahalang mga sasakyan, bukod pa rito ang maintenance ng sasakyan at mahal na bayad sa mga parking areas,” ayon kay Sen. Villar.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2688 o Bicycle Act of 2011, lahat ng mga pangunahing kalsada ay magkakaroon ng bicycle lanes na itatakda ng Local Bikeways Office (LBO).
Ang LBO na isasailalim sa city o municipal engineering office ang mangangasiwa sa lahat ng mga patakaran ukol sa Bicycle act kasama na dito ang pagpaparehistro sa mga bisikletang gagamit ng mga bike lanes.
Taong 1996 nang aprubahan ng konseho ng lungsod ng Marikina ang pagkakaaroon ng bike lanes sa naturang lungsod. Kamakailan, inaprubahan na rin ng Davao City council sa ikalawang pagbasa ang kanilang sariling bersyon ng bicycle ordinance.
Tinukoy din ni Villar ang bike lane sa paligid ng CCP complex sa lungsod ng Pasay.
Magkakaroon ng bicycle parks sa lahat ng lungsod at bayan sa bansa. Kukunin ang pondo mula sa kinikita ng mga lokal na pamahalaan sa mga parking at license fees.
Nakapaloob din sa panukala ang paggamit ng helmet ng mga bike riders at reflective lights ng mga bisekleta upang maiwasan ang mga aksidente lalo na sa gabi.
Bawal din ang magsakay ng sobra sa itinatakdang limit ng bisikleta.