MANILA, Philippines - Sinampahan ngayon ng National Bureau of Investigation ng ikatlong kaso ng syndicated estafa na may kahalong economic sabotage ang property developer na si Delfin Lee at walong iba pa sa tanggapan ng Department of Justice.
Sa kanilang liham kay Justice Secretary Leila De Lima, sinabi ni NBI Director Magtanggol Gatdula na irerekomenda niya ang prosekusyon ni Lee base sa mga inireklamo ng isa pang grupo ng property buyers at ng Xevera Homes sa Mabalacat, Pampanga kung saan dalawang beses itong ibinenta ni Lee at ng ibang akusado.
Sinabi ni Gatdula na ang mga buyers ay nagpatulong sa NBI matapos malamang ang binili nila sa Globe Asiatique Realty Holdings (GA) ay ibinebenta rin sa pamamagitan ng Home Mutual Development (Pag-IBIG) Fund.
Ang bagong syndicated estafa case, ay nakabase sa magkakahiwalay na reklamo nina Jennifer Gloria, Ferdinand de Guzman, Gina Babula, Fatima Kanoya, Arlene Arca, at Pag-IBIG Fund na kinabibilangan ni Emma Linda Faria.