Mister ng bibitaying OFW lumitaw sa NBI
MANILA, Philippines - Lumutang na kahapon sa National Bureau of Investigation ang mister ng overseas Filipino worker (OFW) na isa sa tatlong Pilipinong bibitayin sa China matapos itong imbitahan upang magbigay ng testimonya kaugnay sa nalalaman sa pagrerecruit at pagpapadala ng droga ng nadakip na illegal recruiter na si Tita Nera Cacayan, 54.
Idinetalye ni Hilarion Villanueva, asawa ni Sallly Ordinario Villanueva na siya mismo ang nag-impake ng portfolio na ibinigay ni Cacayan sa kaniyang misis upang dalhin sa pagtungo sa China noong Disyembre 23, 2008. Nilinaw niya na ang maletang nabanggit na kinuha pa nilang mag-asawa sa bahay ni Cacayan sa Alicia, Isabela at ang nasabat ng Chinese authorities ay iisa na paliwanag pa umano ni Cacayan ay padala iyon mula sa Vietnam.
Wala umanong pangakong malaking sweldo sa magiging trabaho ni Sally sa China subalit naengganyo sila nang wala silang gastusin sa proseso ng mga papeles sa pag-aabroad ni Sally at nagbigay pa umano ng $100 pocket money.
Nabatid na hindi na sasama si Hilarion sa pagtungo sa Xiamen, China dahil napakabigat ng kaniyang loob at hindi niya kayang makita ang nakatakdang pagbitay lalo na at kaarawan umano ng misis sa Pebrero 25.
Ayon kay Atty. Ruel Lasala, Deputy Director for Intelligence Services, nakikipag-ugnayan na sila sa Chinese authorities at isa umano sa pakay ni Vice President Jejomar Binay sa pagtungo sa China na makakuha ng mga ebidensiya na magagamit din ng NBI sa case build-up laban kay Cacayan at sa iba pang matutukoy na sangkot sa nasabing kaso.
Maari umanong maisampa laban kay Cacayan ang paglabag sa RA 9165 (Dangerous Drugs Act) at human trafficking.
Si Hilarion ang inaasahang magiging pangunahing testigo para masanpahan ng kaso si Cacayan at kakalap pa ang NBI ng iba pang mga OFWs na naging biktima ni Cacayan.
- Latest
- Trending