MANILA, Philippines - Nanawagan si Cagayan first district Representative Juan “Jack” C. Ponce Enrile, Jr. sa mga kinauukulang government agencies na magpatupad ng mas mahigpit na pag-iinspeksyon sa mga entry points sa bansa upang mabura ang imahe ng Pilipinas bilang ‘bagsakan’ ng iligal na droga.
Ginawa ni Enrile ang panawagan kasunod ng pahayag ng People’s Republic of China na hindi na nito babaligtarin ang kaso ng tatlong Filipino ‘drug courier’ na napatunayang guilty sa kasong drug trafficking at nakatakdang bitayin sa pamamagitan ng lethal injection sa February 21 at 22 matapos silang mahulihan ng malaking halaga ng heroin.
Ang tatlo ay kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki, na napaulat na naaresto nang pumasok sa China noong 2008.
Ayon kay Enrile, nakakapagtaka umano kung paano nakalusot ang tatlo sa mga airport authorities sa Pilipinas sa kabila ng ipinatutupad umanong “mahigpit” na seguridad sa mga paliparan.
Sinabi pa ng beteranong Cagayan solon na posibleng naiwasan ang mga ganitong insidente kung seryoso at mahigpit sa kanilang pagbabantay at pagsusuri ng mga kinauukulang nakatalaga sa mga paliparan.
Ipinagtaka rin ni Enrile kung paano nakalusot ang malaking halaga ng iligal na droga palabas ng bansa bitbit ng mga OFW na nakalagay lamang sa mga ordinaryong maleta.