P740M kinulimbat ni Ligot
MANILA, Philippines - Nabunyag kahapon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na nakalikom ng P740 milyong cash sa bangko si dating Armed Forces of the Philippines comptroller Jacinto Ligot at ang mga miyembro ng kaniyang pamilya sa loob lamang ng apat na taon.
Iprinisinta ni Senator Franklin Drilon sa komite ang “Summary of Deposits, Withdrawal and Balances Frozen in the Bank” ni Ligot kung saan kasama sa listahan ang kanyang asawang si Erlinda, mga anak na sina Paulo at Riza at bayaw na si Edgardo T. Yambao.
Bago ipakita ni Drilon ang hawak niyang dokumento, tinanong muna nito si Ligot kung ano ang pinagkakaabalahan ng kaniyang asawa at mga anak.
Ang asawa umano ni Ligot ay walang trabaho samantalang manager naman ng isang farm sa Bukidnon si Paulo na kumikita ng mula P20,000 hanggang P30,000. Ang anak namang babae ni Ligot na si Riza ay nagtatrabaho sa isang call center na sumusuweldo rin ng mula P20,000 hanggang P30,000 samantalang may negosyo naman ang bayaw nitong si Edgardo.
Ang isa pang anak ni Ligot na nagngangalang Miguel ay estudyante pa lamang.
Pero, sa ipinakitang dokumento ni Drilon, mula 2001 hanggang 2005 ay nagkaroon ng napakalaking deposito sa ilang bangko at maging sa AFPSLAI ang pamilya ni Ligot.
Bukod pa sa peso accounts, may dollar accounts din si Ligot at ang kaniyang pamilya.
Sinabi ni Drilon na hindi umano idineklara ni Ligot ang nabanggit na halaga sa kaniyang statement of assets and liabilities network (SALN).
Katulad ng mga naunang depensa ni Ligot, muli nitong ginamit ang karapatan na huwag ipahamak ang sarili o “right against self incrimination” kaugnay sa nabunyag na pera sa bangko.
Samantala, nagbanta naman si Senate President for Tempore Jinggoy Estrada sa maybahay ni Ligot na si Erlinda na ipa-subpoena na ito sakaling hindi ito makakadalo sa susunod na pagdinig.
Kabilang sa mga kinukuwestiyon ng mga senador ang diumano’y mga bahay na pag-aari ni Erlinda sa Amerika’
Inisnab kahapon ni Erlinda ang pagdinig ng komitee at sa halip ay nagpadala na lamang ito ng isang sulat dito.
Sa sulat ni Erlinda , agad nitong itinanggi na may kinalaman siya sa plea bargaining agreement na pinasok ni dating AFP comptroller Ret. Major Gen. Carlos Garcia sa tanggapan ng Special Prosecutor.
- Latest
- Trending