MANILA, Philippines – Pinatawan ng contempt ng Korte Suprema si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) founding chairman Dante Jimenez dahil sa ginawa nitong pagmumura sa mga mahistrado nang iabswelto ng Korte Suprema ang grupo ni Hubert Webb kaugnay sa Vizconde massacre case.
Dahil dito kaya’t pinagbabayad ng Korte ng P100,000 si Jimenez bilang multa sa ginawa nito.
Ayon kay SC spokesman at Court Administrator Atty. Midas Marquez, bagamat hindi naapektuhan ang mga mahistrado sa pagmumura ni Jimenez, posible namang naapektuhan ang pananaw ng publiko sa Korte Suprema bilang isang institusyon.
Sinabi ni Marquez na umabuso si Jimenez sa kanyang freedom of speech nang gawin niya ang pagmumura laban sa mga mahistrado.
Nagpalabas din ang Korte ng matinding paaalala kay Lauro Vizconde na maging maingat sa kanyang mga pahayag.
Ito ay matapos din nitong paratangan sa publiko si Associate Justice Antonio Carpio na inimpluwensyahan ang mga kapwa mahistrado para maabswelto sa massacre case si Webb at ang anim na iba pang akusado.
Sinabi ni Marquez na nauunawaan ng mga mahistrado ang damdamin ni Vizconde na namatayan ng asawa at mga anak, pero pinaalalahanan nila ito na maging maingat sa mga alegasyon.
Nagpalabas naman ang Korte Suprema ng show cause order para kay Atty. Ferdinand Topacio makaraan nitong sabihin sa isang pahayagan na may pagtatangka sa panig ni Carpio na impluwensyahan ang mga kapwa niya Mahistrado sa ipalalabas na desisyon sa nasabing kaso.