PNoy nag-inhibit sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani
MANILA, Philippines - Nag-inhibit kahapon si Pangulong Aquino sa isyu ng paglilibing sa yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Ito’y kasunod ng kahilingan ng mga anak ni Marcos na sina Sen. Bongbong Marcos at Ilocos Norte Rep. Imee Marcos na mailibing na sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng kanilang ama.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni PNoy na anumang sasabihin niya ay magiging bias o hindi patas lalo na sa usapin ng mga pamilya Marcos.
Ayon kay P-Noy mas makabubuting iba ang magdesisyon sa paglilibing sa nakapreserbang bangkay ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani hindi tulad niya na miyembro ng pamilya Aquino na naging biktima ng diktaturyang rehimen na naghari sa loob ng 20 taon.
Aminado si Aquino na maraming implikasyon ang paglilibing sa Libingan kay dating Pangulong Marcos kaya dapat siyang maging maingat ukol dito.
Nabatid na ang mga pinahihintulutang ilibing sa Libingan ng mga Bayani ay ang mga opisyal ng militar tulad ng AFP Chief of Staff at iba pa, dating Pangulo, dignitaries ng gobyerno, statesmen, national artist at maging ang Defense Secretary.
Pinahihintulutan rin ang asawa ng mga dating Pangulo, Secretary ng Defense at Chief of Staff sa tabi ng himlayan ng kanilang mga asawa.
Matatandaan na ang ama ni PNoy na si dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr. ay ipinakulong ng Marcos regime at nag-self exile sa Estados Unidos hanggang sa umuwi ng bansa noong Agosto 21, 1983 at pinaslang naman ito sa Tarmac paglapag ng eroplano nito sa Ninoy Aquino International Airport.
Napatalsik si Marcos sa poder sa pamamagitan ng People Power revolution noong Pebrero 25, 1986 o ang tinaguriang EDSA 1. (Joy Cantos/Rudy Andal)
- Latest
- Trending