MANILA, Philippines - Umapela si Pangulong Noynoy Aquino sa bansang China na ibaba na lamang sa parusang habambuhay na pagkabilanggo ang hatol sa 3 Pinoy na nakatakdang bitayin sa Lunes at Martes dahil sa kasong droga.
Sinabi ng Pangulo na simula pa noong Agosto ay lumiham na ang gobyerno sa Chinese government upang hilingin na mapababa ang sentensiya ng mga Pinoy na sina Sally Villanueva, Elizabeth Batain at Ramon Credo na nakalinyang bitayin sa pamamagitan ng lethal injection sa Pebrero 21 at 22, taliwas sa unang napaulat na sa pamamagitan ng firing squad.
Nabatid na kauna-unahan ito sa China na may bibitaying Pinoy, hindi lang isa kundi tatlo pa.
Ayon kay P-Noy, umaasa pa rin sila na mapapakinggan ni Chinese President Hu Jintao ang kahilingan ng Pilipinas.
Sa ngayon, dasal na lamang umano ang makakapagbigay nang milagro upang masagip ng pamahalaan ang tatlo bagaman ginagawa na lahat ng pamahalaan ang paraan.
Hindi naman binanggit ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr. kung sino ang mauunang bitayin sa tatlo subalit isa sa kanila ang unang isasalang sa lethal injection sa Pebrero 21, Lunes at magsasabay sa bitayan ang dalawa pa sa Pebrero 22, Martes.
Nakatakda nang tumungo si Vice President Jejomar Binay sa China upang personal na makipag-usap kay Jintao para hilinging mabigyan ng commutation of sentence ang tatlong Pinoy.
Sinabi ni Conejos na dismayado sila sa naging desisyon ng Supreme People’s Court matapos na katigan nito noong Pebrero 11, 2011 ang ibinaba ng lower Chinese court na parusang bitay sa tatlo bagaman nagprisinta sila ng mga karagdagang dokumento mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at DFA na nagtuturo sa mga international drug syndicates na bumiktima sa tatlong Pinoy matapos silang gawing drug mules or drug courier kapalit ang halagang $3,000.
Nakatakda na ring tumulak patungong China ang mga pamilya ng tatlo sa tulong ng DFA upang makita at makausap ang kanilang kaanak.
Sa batas ng China, ang pagpupuslit ng 50 gramo ng illegal drugs gaya ng heroin o shabu ay may katapat na parusang bitay.
Si Credo ay nahulihan ng 4,113 grams (4.1kilo) ng heroin noong Disyembre 28, 2008 sa Xiamen, habang sina Villanueva na may dalang 4,110 grams (4.1 kilo) heroin sa Xiamen at Batain na may dalang 6,800 grams (6.8 kilo) sa Shenzhen ay kapwa nasabat sa paliparan ng China noong Dis. 24, 2008.
Bukod sa tatlo, dalawa pang Pinoy na sina Myrna San Pedro at Estela Capunong ang nakatakda ring bitayin sa China. Isa sa kanila ay sinentensyahan ng kamatayan ng walang nakuhang 2 taong reprieve.
Sa rekord ng DFA, simula 2006 ay umaabot na sa 226 drug trafficking cases ng mga Pinoy sa China at 32 dito ay nakakuha ng death penalty na may 2 taong reprieve habang 78 ang hinatulan ng 15 taong pagkabilanggo.