'Warning sign' ng botcha hirit
MANILA, Philippines - Kung ang sigarilyo ay may warning sign na nakaka-kanser, nais ni Senator Manny Villar na magkaroon din ng graphic warning sign sa mga pamilihan upang malaman ng mga consumers ang masamang epekto ng botcha o double dead na karne sa kalusugan ng tao.
Sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Trade and Commerce, natuklasan na kulang ang ginagawa ng gobyerno sa pagpapakalat ng impormasyon upang malaman ng mga mamimili ang kaibahan ng sariwang karne ng baboy at ng double dead na karne o botcha.
Sinabi ni Villar na tiyak na mag-iingat ang publiko sa pagbili ng karte kung malalaman nila ang masamang epekto ng pagbili ng botcha.
Sinabi ni National Meat Inspection Commission (NMIC) Executive Director Atty. Jane Bacayo na naglagay na sila ng billboard sa mga palengke na ang pagbili ng botcha ay nagdudulot ng pagtatae, pagsusuka at food poisoning.
Nais rin ni Bacayo na itaas ang parusang pagkabilanggo ng anim na buwan hanggang anim na taon ang kasalukuyang dalawang buwan hanggang isang taon, at mula sa multang P1,000 hanggang P10,000 ay gawing P25,000 -P500,000.
- Latest
- Trending