MANILA, Philippines - Uumpisahan na ng House Committee on Ethics ang pagdinig para sibakin bilang kongresista si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson hinggil sa sinasabing 6.7 gramong cocaine na nakuha dito noong July 11, 2010 sa Hong Kong airport.
Ayon sa ulat, didinggin na ang expulsion case ni Singson sa Kamara matapos itong mag-plead guilty sa kasong kinahaharap niya sa korte sa Hong Kong.
Una nang inamin ni Singson na pansariling gamit niya ang cocaine na nakuha sa kanya ng mga awtoridad sa HK.
Bukas (Pebrero 17), haharap si Singson sa Wan Chai District Court dahil bababaan na ito ng hatol.
Samantala, may P180 billion umano ang nawawala sa suweldo ng mga sundalo simula noong 2002 hanggang 2010 noong Pangulo pa at commander-in-chief ng AFP si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo .
Sinabi ni Bayan Muna partylist Rep. Neri Javier Colmenares, sa statistics noong 2002, sinasabing humingi ng P50.3 billion ang AFP para sa personal services. Ito ay ang pang-suweldo sa may 134,499 uniform at non-uniform employees pero P24.2 billion lang ang ibinigay at bilyong piso pa rin ang sobra.
Ayon kay Colmenares, marami pa siyang nadiskubre na kabulukang nangyari sa bilyon-bilyong pondo sa AFP na naganap sa panahon ni Arroyo kaya balak niya itong paimbestigahan sa Kamara.