MANILA, Philippines - Nakatakdang bitayin sa pamamagitan ng firing squad ang tatlong Pinoy sa bansang China sa darating na Lunes.
Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pag-firing squad kay Sally Ordinario Villanueva at sa dalawa pa na kinabibilangan ng isang babae at isang lalaki.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr., si Villanueva ay nasabat sa China airport nang makita sa padalang bagahe ng kanyang amo ang may 4 kilong heroin noong Dis. 24, 2008.
Habang ang isang Pinoy na edad 42, ay nahulihan ng 4 kilong heroin noong Dis. 28, 2008 at ang isa pang Pinay, 38 ay nagtangka ring magpuslit ng 4 kilong heroin habang papasok sa paliparan sa Xiamen, China noong Dis. 24, 2008.
Sinabi ng DFA na ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang maisalba ang buhay ng tatlong OFWs na nakatakda nang bitayin sa Pebrero 21 at 22.
Kahapon ay ipinatawag ng DFA si Mrs. Edith Ordinario, ina ni Villanueva upang ipagbigay-alam ang masamang balita sa nakatakdang pagbitay sa anak.
Bunga nito, nanawagan si Ginang Ordinario at mga pamilya ng dalawa pang bibitayin kay Pangulong Noynoy Aquio na tulungan sila at sagipin ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sa tala ng DFA, may mahigit 80 Pinoy na karamihan ay naging drug courier o drug mules at biktima ng international drug syndicates ang nahaharap sa kasong drug trafficking sa China.
Anim pang Pinoy ang sinasabing nasa death row na nag-aantay din ng kanilang execution sa China.