MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto na may mga restaurants sa bansa ang gumagamit at naglalagay ng opium o poppy seeds sa kanilang mga pagkain.
Sa privelege speech ni Sotto, sinabi nito na mismong ang Dangerous Drugs Board Technical Working Group ang nagpabatid sa kaniya na maraming food products na may opium poppy seeds ang ibinebenta sa mga groceries, bakeshops at supermarkets sa bansa.
“A couple of weeks ago, I was furnished a report by the Dangerous Drugs Board, Technical Working Group that opium poppy seeds and opium poppy seed-laced food products are openly sold in our midst, in trendy groceries and bakeshops, and supermarkets,” sabi ni Sotto sa kaniyang privilege speech.
Nagbabala si Sotto sa publiko na hindi maituturing na “harmless” ang poppy seeds dahil base umano sa Dangerous Drugs Board, ang isang nakakain nito ay magpo-positibo sa opium kung sasailalim sa drug test.
Kabilang umano sa mga restaurants na ni-raid na ng National Bureau of Investigation ang apat na branch ng World Class Persian Kebab Restaurans na nasa Santolan, Pasig; Tomas Morato, Quezon City; Pioneer, Mandaluyong at Sucat, Paranaque.
Ang mga nasabing restaurants ay pag-aari ng isang Leeyouvenhouk Baroutia, 51, isang Iranian national at residente ng 850 Ibarra St., Sampaloc, Manila. Kinasuhan na umano ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
Nakakaalarma rin umano ang natagpuan poppy plantation sa Barangay Paoay, Halsema Highway, Atok, Benguet, Cordillera Region.
Nagsagawa na rin umano ng berepikasyon ang mga awtoridad sa mga grocery stores na nagbebenta ng poppy seed kung saan nagsagawa sila ng test-buy kung saan isinailalim ang mga buto sa laboratory examination.
Sinabi ni Sotto na hindi lamang nakumpirma na poppy seed talaga ang ipinagbibili sa mga grocery stores kundi tumubo pa ang mga ito.
Nanawagan si Sotto sa mga restaurants at mga grocery stores na tigilan na ang pagbebenta at paggamit ng poppy seeds dahil lumalabag sila sa RA 9165. (