BI chief pinagpapaliwanag ng CA
MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ng Court of Appeals (CA) si Bureau of Immigration (BI) Officer in charge Ronaldo Ledesma kung bakit ito hindi dapat i-contempt kaugnay sa pagpapa deport sa anim na Taiwanese nationals sa kabila ng kanilang kautusan na iharap sa Appellate court ang mga ito matapos nitong katigan ang writ of habeas corpus ng mga ito.
Base sa 3-pahinang resolution ng CA na isinulat ni Associate Justice Francisco Acosta, inatasan nito si Ledesma na magpaliwanag sa loob ng limang araw upang hndi ito ma contempt.
“Such deportation is an apparent violation of the writ of habeas corpus earlier issued by this court,” nakasaad sa kautusan ng CA.
Ayon sa CA dapat na ipaliwanag ng BI kung bakit ipinilit pa rin nitong ideport ang 6 sa 14 na Taiwanese nationals noong Pebrero 2 na sina Chen Ho-Yang, Li Yuan Hsing, Tai Yao-Pin, Chen Chia Hsiang, Lee Hsiang Pin at Lin Ying Chang gayong noong mismong araw umano ay pinagbigyan ng CA ang petisyon ng mga ito para sa habeas corpus.
Hiniling ng mga dayuhan ang habeas corpus dahil na rin sa illegal umano ang ginawang pag-aresto sa kanila.
Base sa kautusan na ipinalabas ng CA special 16th division noong Pebrero 2, inatasan nito ang Department of Justice (DoJ), National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration na ibalik ang writ at dalhin ang anim na dayuhan sa korte alinsunod sa Rule 102 ng Rules of Court na nagsasaad na ang isang opisyal na inatasan na magbalik ng writ ay dapat na dalhin sa korte ang taong nakapiit kasama ang mga kaukulang dokumento sa kasong ito.
Subalit noong Pebrero 2 ay nagkaroon din ng hearing ang BI sa kaso ng mga dayuhan at agad na iniutos na ipadeport ang mga ito kabilang ang 6 na una nang humingi ng writ of habeas corpus.
Matatandaan na una nang idinepensa ni Justice Secretary Leila De Lima ang pagpapadeport sa mga Taiwanese nationals bilang proteksyon umano sa interes ng bansa laban sa mga undesirable aliens.
Ito ngayon ang dahilan ng hidwaan sa pagitan ng Taiwanese at Philippine government dahil sa hindi umano makataong pagtrato sa mga dayuhan na sa halip na sa Taiwan idineport ay sa China itinapon ang mga ito.
- Latest
- Trending