MANILA, Philippines - Pormal na ipinakilala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bago nitong programang “Metro Ko, Love Ko” na siyang ipinalit sa “Metro Gwapo” ni dating Chairman Bayani Fernando.
Sa isang seremonya nitong nakaraang Sabado sa Taguig City University (TCU), sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na pangunahing tututok ang programa sa kalinisan ng Kamaynilaan, sa pagdisiplina sa pagtatapon ng basura at paglilinis ng mga daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbabaha sa tag-ulan.
Mula nitong Setyembre 2010, may 21,000 katao na lumabag sa ordinansa ang nahuli ng MMDA at napagmulta. Kabilang sa mga hinuhuli ang mga maaaktuhang basta na lamang nagtatapon ng upos ng sigarilyo, dumudura sa kalsada at nagtatapon ng mga maliliit na basura sa kalye.