Pagkalat ng botcha 'di palalagpasin ng Senado
MANILA, Philippines - Itinakda na ng Senado sa susunod na linggo ang pagdinig sa patuloy na pagkalat sa mga pamilihan ng mga botcha o mga double dead na karne.
Sa Senate Bill No. 954 na inihain ni Senator Lito Lapid, nais nitong amiyendahan ang Consumers Act of the Philippines o Republic Act 7394 upang mas mapabigat ang parusa sa mga mapapatunayang nagpapakalat ng botcha na delikado sa kalusugan ng mga mamamayan.
Nais rin ni Lapid na maging ganap na batas ang “Consumer Protection from Adulterated Meat Act” upang magkaroon ng proteksiyon ang mga mamamayan mula sa mga nagpapakalat ng botcha.
Parusang pagkabilanggo ng hindi bababa sa dalawang taon hanggang sa anim na taon ang mungkahing parusa at itaas ang multa mula sa P5,000 ay gawing P10,000 hanggang P100,000.
Dapat na umanong matigil ang pagbebenta ng mga botcha sa mga pamilihan dahil posibleng magmulan pa ito ng epidemiya.
Habang ibiniyahe umano ang mga double dead na karne ay lumalaki din ang posibilidad na kumalat ang sakit sa mga hayop tulad ng foot and mouth disease, hog cholera at bird flu.
- Latest
- Trending