Banta ng Taiwanese government minaliit ng DOLE
MANILA, Philippines – Minaliit lamang ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang banta ng Taiwanese Government na mawawalan ng trabaho ang may 80,000 OFWs sa nasabing bansa matapos na sa China ipadeport ang 14 Taiwanese nationals na pinaniniwalaang miyembro umano ng isang international fraud syndicate.
Naniniwala si Labor Usec. Danilo Cruz na hindi basta masisibak sa trabaho ang mga OFW dahil maraming kumpanya sa Taiwan ang nagsabi na kuntento sila sa trabaho ng mga Pinoy.
Una ng hinigpitan ng Taiwan ang mga requirements at procedures sa pagtanggap ng mga OFW sa kanilang bansa bilang pagpapakita ng pagkadismaya sa Pilipinas.
Bukod pa rito, may mga ginagawa na rin naman aniyang hakbang ang pamahalaan upang maiayos ang sitwasyon.
Sa pagtaya ng DOLE, aabot umano sa 80,000 ang mga OFW sa Taiwan na karamihan ay nagtatrabaho sa mga electronics factories habang ang iba ay caregivers.
Aminado naman si Cruz na bagamat malabong maapektuhan ang mga OFW sa Taiwan, posible naman malaki ang maging epekto nito sa mga OFW na magtatrabaho palang doon.
- Latest
- Trending