OFW namatay paglapag sa Pinas
MANILA, Philippines – Isang 59-anyos na OFW na kabilang sa mga Pinoy repatriates mula Jeddah ang nasawi ilang sandali lamang paglapag nito sa Pilipinas mula Saudi Arabia, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang OFW na si Francisco Delgado Cogen, tubong Leyte. Si Cogen ay kabilang sa 27 minaltratong OFWs na ni-repatriate ng OWWA sakay ng flight Etihad Airways.
Ayon kay OWWA administrator Camelita Dimzon, sa eroplano pa lamang ay napansin na ng mga crew na masama ang pakiramdam ni Cogen kaya agad umanong binigyan ng first aid ng mga cabin crew.
Paglapag sa NAIA Terminal 1 ay agad nagresponde ang medical team saka dinala si Cogen sa San Juan de Dios Hospital sa Pasay City subalit namatay din.
Napag-alaman sa isang welfare officer sa Jeddah na nagkaroon ng sunud-sunod na pag-atake ng kanyang asthma ang nasabing OFW sa loob ng deportation center bago siya sumakay ng eroplano pauwi sa Pilipinas.
Naipabatid na ng OWWA sa pamilya ni Cogen na nasa Navotas City ang pagkasawi ng huli at inalok na bibigyan sila ng OWWA livelihood assistance.
- Latest
- Trending