Labi ni Reyes ililipat ngayon sa Camp Aguinaldo
MANILA, Philippines – Ililipat na ngayong araw sa Camp Aguinaldo ang labi ni dating AFP Chief of Staff at dati ring Defense Secretary ret. Gen. Angelo Reyes kaugnay ng pagbibigay rito ng full military honors.
Mula sa Ascension Chapel sa Araneta Avenue, Quezon City, eeskortan ang labi ng military service dakong alas-10 ng umaga at inaasahang darating sa St. Ignatius Chapel ng AFP bandang alas-10:45 ng umaga.
Nilinaw ni AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta na kahit nag-suicide si Reyes ay bibigyan nila ito ng full military honors dahil na rin sa mga mabubuting naiambag nito sa tagumpay ng misyon ng AFP laban sa mga rebeldeng kalaban ng estado noong nanunungkulan ito bilang Chief of Staff at Kalihim ng Defense department.
Si Reyes ay bibigyan rin ng 19-gun salute sa paghahatid dito sa kaniyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City sa Linggo, Pebrero 13.
Magkakaroon din ng “flower drop” ang Philippine Air Force bilang huling saludo sa dating heneral.
Magugunita na noong Martes ay ginulantang ang bansa sa pagsu-suicide ni Reyes sa harapan ng puntod ng kanyang mga magulang sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.
- Latest
- Trending