MANILA, Philippines – Napatawad na ng pamilya Reyes ang lahat ng taong nag-akusa sa yumaong si dating AFP chief of staff Angelo Reyes kaya kung nanaisin umano ng mga ito na dumalaw sa burol ay welcome silang lahat.
“Everybody’s welcome to the wake. We want peace. My family wants peace. We don’t want enemies. If they want to come here, they’re welcome,” sabi ng naulilang maybahay na si Teresita Reyes sa panayam ng media.
Bagamat nasa dibdib pa rin aniya nila ang sakit at hapdi ng nangyari ay kailangan umano nilang magpatawad, dahil ang Diyos ay nagpapatawad, sila pa kaya na tao lamang.
Sa ngayon ay tanggap na umano nila ang nangyari at nirerespeto nila ang naging desisyon ng heneral na kitlin ang kanyang buhay.
“Now, I’m happy kasi balance na ang public perception sa kanya, unlike when he was still alive ay ayaw na siyang pagsalitain, puro pangungutya ang ginawa sa kanya,” ani Mrs. Reyes.
Kung nanaisin umano ni ret. Col. George Rabusa na dumalaw sa burol ng kanyang kumpare at kaibigang si Reyes ay papayagan ito ng pamilya sa kabila na ang una umano ang posibleng isa sa mga dahilan nang pagpapakamatay ng kanyang dating boss matapos ang ginawang pagbubunyag sa Senado hinggil sa umano’y P50-milyong pasalubong at pabaon sa AFP.
Ayon pa kay Mrs. Reyes, maging sina Senators Jinggoy Estrada, Antonio Trillanes, Miriam Defensor-Santiago, Chiz Escudero at Parañaque Rep. Roilo Golez ay welcome din kung nais umano nilang pumunta sa burol.
Nagpasalamat din si Mrs. Reyes sa mga mamamahayag dahil nagkaroon ng espasyo para sa mga magagandang nagawa ng heneral noong nabubuhay pa.
Tinanggap na rin ng pamilya Reyes ang alok ng gobyerno na sa Libingan ng mga Bayani ihatid sa huling hantungan ang labi ng heneral sa darating na araw ng Linggo.
Dagsa pa rin ang pumupunta at nakikiramay sa pamilya Reyes sa Ascension Chapel. Kabilang sa mga huling nagtungo sa burol sina Vice Pres. Jejomar Binay at House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte.