MANILA, Philippines - Isang tripulanteng Pinoy ang nasawi matapos na mabaril ng mga umatakeng piratang Somali habang kasagsagan ng rescue operation ng anti-piracy naval force sa hina-hijack na barko sa karagatang sakop ng Seychelles.
Kinilala ng Department of Foreign Affairs ang Pinoy seaman na si Farolito Vallega na sakay ng hinayjack na MV Beluga Nomination.
Si Vallega ay nabaril at napatay ng mga pirata noong Enero 26 matapos na magwala at magalit ang mga pirata nang tangkaing sagipin ang mga hostages ng dalawang anti-piracy naval patrol vessels.
Sa ulat, ang German-owned MV Beluga Nomination ay na-hijack ng mga piratang Somali sa Seychelles noong Enero 22. Kabilang sa mga sakay ng nasabing barko ang 12 crew na kinabibilangan ng pitong Pinoy at iba pa mula sa Russia, Ukrain at Poland.
Nabatid na nakipaghabulan at nakipagputukan ang Naval rescue team at habang isinasagawa ang rescue, dalawang seamen kabilang ang isang Pinoy na si Ferdinand Aquino at isang Unkrainian ang tumalon sa nasabing barko na nasagip naman ng mga rescue team.
Isa pang tripulanteng Pinoy na nakilalang si Elviro Salazar na sakay ng nasabing barko ang umano’y nawawala bunga ng pag-atake.