MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng mga mistah ni dating AFP Chief of Staff at Defense Secretary ret. Angelo Tomas Reyes sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1966 na biktima ito ng ‘trial by publicity’ kaugnay ng imbestigasyon ng Senado at Kongreso sa AFP fund scam.
Sinabi ni ret. Brig Gen. Fred Bautista na hindi pa man tapos ang imbestigasyon ay hinusgahan na kaagad ng publiko na guilty si Reyes kaugnay ng pagbubulgar ni dating AFP budget officer ret. Col. George Rabusa na tumanggap ito ng P50-M pabaon ng magretirong Chief of Staff noong Marso 2011.
“Angie (Reyes) was a victim of the concept of democracy and justice wrongly applied. It appears was being judged guilty even before he was tried. The way questions are asked, the way media writes the stories. You are supposed to be innocent unless proven guilty,” ani Bautista.
“I hope what happened to him will serve as a lesson to our political leaders to respect human rights, what about mental, emotional,” giit pa nito.
Sinabi ni ret. Col. Manuel Espejo, President ng PMA Class 1966, nagluluksa ang buo nilang magmi-mistah sa pagpanaw ni Reyes na huli niyang nakausap sa telepono noong nakaraang linggo at kinumusta ang pakiramdam nito sa gitna na rin ng mga sumingaw at ibinabatong mga kontrobersya.
Nakatakda sana silang magkitang magmi-mistah sa kanilang regular na tagpuan sa The Fort, Taguig City sa darating na linggo pero hindi na ito nangyari.
Naniniwala siyang nag-suicide si Reyes upang huwag ng makaladkad pa sa kontrobersiya at malaking pinsalang nilikha ng Rabusa expose sa buong organisasyon ng AFP.
Idinagdag pa ng mga ito na importante para kay Reyes ang prinsipyo at dignidad higit pa sa kaniyang buhay kaya nagsakripisyo ito.
Samantala sa pagluluksa ng buong sandatahan at Defense department ay inilagay na sa half mast ang bandila kahapon ng umaga.
Naghahanda na rin ang AFP para sa posibleng pagbuburol kay Reyes sa Camp Aguinaldo na bibigyan nila ng full military honors.