MMDA kinampihan ng Eco-group sa pagba-ban sa plastic

MANILA, Philippines - Nakakuha ng kakampi ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa sa panawagang pagtigil na sa paggamit ng plastic at styrofoams makaraang manawagan ang Eco-Waste Coalition sa mga lungsod at munisipalidad na magpasa rin ng kahalintulad na ordinansa.

Sinabi ni Troy Lacsamana ng Task Force Plastics ng Eco-Waste, labis na makakatulong sa pagresolba sa problema sa basura at paglaban sa “global warming” ang naturang hakbang ng Muntinlupa City sa pagpapasa ng “plastic ban” na maaaring gayahin ng ibang lokal na pamahalaan.

Matatandaan na ipinanawagan ng MMDA sa mga lungsod at munisipalidad na kaanib ng kanilang Metro Manila Council na sundin ang hakbang ng Muntinlupa City sa pagpapasa ng City Ordinance 10-109 ngunit hanggang ngayon ay wala pang tumutugon.

Sinabi ni Lacsamana na gumagastos ang pamahalaan ng milyon-milyong pondo sa paglilinis sa basura ng mga malalaking negosyo at industriya na nagbabara sa mga daluyan ng tubig na hindi makatarungan. Nararapat umano na mismong mga “producers” ang gumawa ng solusyon sa paglilinis ng kanilang mga kalat.   

Show comments