Rabusa kakasuhan ng libelo ni Pichay
MANILA, Philippines - Sasampahan ng kasong libel ni dating Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay si dating AFP Budget Officer George Rabusa kasabay pabulaanan ni Pichay ang alegasyon ni Rabusa na nagdadawit sa dating kongresista sa iskandalo sa Armed Forces of the Philippines.
“Pinag-aaralan na ng mga legal counsel ko ang paghaharap ng libel case laban kay Rabusa,” wika pa ni Pichay.
Sinabi ni Pichay na dati siyang naniniwala kay Rabusa sa pagharap nito sa imbestigasyon ng Senado pero ngayon ay nasira ang kanyang pagtitiwala.
Bilang reaksyon sa pagdadawit sa kanya, sinabi ni Pichay, dating chairman ng House Committee on National Defense at ngayo’y chairman ng Local Waterworks and Utilities Administration, na hindi siya tumanggap ng P500,000 sa bawat isa sa tatlong pagbisita nito sa tanggapan ng AFP chief of staff sa pamamagitan ni dating AFP comptroller Gen. Carlos Garcia tulad ng alegasyon ni Rabusa.
Ayon kay Pichay, kailanman ay hindi siya bumisita sa tanggapan ng chief of staff sa kanyang panunungkulan bilang chairman ng nasabing komite.
Hinamon ni Pichay ang mga tao sa opisinang tinukoy ni Rabusa na ilabas ang logbook na magpapatunay na bumisita siya rito.
“Bilib pa naman ako sa kanya, ang akala ko ay nagsasabi siya ng totoo,” giit pa ni Pichay.
Binigyan diin pa ni Pichay na hindi tungkulin ng defense committee chairman kundi ng vice chairman ng appropriations committee na depensahan ang AFP budget sa pagdinig ng Kongreso.
Pinag-aaralan naman ng kampo ni Pichay ang pagsasampa ng kasong libelo o slander laban kay Rabusa.
Tiniyak din ni Pichay na handa siyang dumalo sa anomang pagdinig ng Kongreso kaugnay ng nasabing usapin.
Kaugnay nito, sinabi ni Garcia na hindi niya matandaan ang anomang pagkakataon na nakita niyang pumunta si Pichay sa opisina ng chief of staff ng AFP.
- Latest
- Trending