MANILA, Philippines - Mariing itinanggi ni Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales ang alegasyong sangkot siya sa Dominguez carjacking syndicate.
Base sa intelligence report ng AFP, lumutang ang pangalan nina Rosales at Supt. Napoleon Cauyan, dating pinuno ng binuwag na Traffic Management Group ng PNP Task Force, bilang mga protektor umano ng grupo.
Sa isang panayam, hinamon ni Rosales, Directorate for Integrated Police Operations sa Northern Luzon, na magpakita ng ebidensiya ang naglabas ng isyu na nagdadawit sa kanya sa nasabing sindikato.
Sinabi ni Rosales na kapag sinabing intelligence report kailangang i-verify ito bago ilabas, subalit ngayong nailabas na nila ito kailangan anyang magpakita sila ng pruweba.
Ayon pa sa opisyal, maaring ang isyu laban sa kanya ay kagagawan ng mga grupong naapektuhan ang kabuhayan tulad ng iligal na droga na natamaan niya noong panahong siya ay nasa pamumuno pa ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Posible rin anyang kagagawan ito ng ilang police officials dahil napapabalitang contender siya bilang susunod na PNP chief ng bansa.
Handa naman umano siya na harapin ang anumang imbestigasyon.
Samantala, ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta, wala umanong ganitong report ang kanilang kagawaran base sa impormasyong ibinigay ni Gen. Francisco Cruz, deputy chief of staff for intelligence ng AFP.