MANILA, Philippines – Isang 74-anyos lola na nakaratay ngayon sa Saudi Arabia dahil sa sakit ang umaapela sa Department of Foreign Affairs (DFA) na mapauwi na siya sa Pilipinas.
Si Irene Sto. Dominga, tubong Sta. Cruz, Manila ay kaslukuyang inaalagaan ng kanyang kaibigan at kapwa OFW na si Marcelina Calimag.
Biktima ng pagmamaltrato at pang-aabuso ng kanyang amo si Sto. Dominga at napuwersang tumakas at maging undocumented sa loob ng mahigit 10 taon sa Saudi. Siya ay dumating sa Saudi noong 1984 upang magtrabaho bilang domestic helper.
Nabatid na dalawang buwan nang nasa Bahay Kalinga si Sto. Domingo at nag-aantay ng kanyang repatriation.
Iginiit naman ng Migrante-Middle East na kung may inalalaan ang DFA at OWWA na P50 milyon para sa paglilikas sa mga Pinoy sa Egypt ay dapat na pagtuunan din ng pansin ang mga OFWs na stranded at nakatengga lalo na sa isang matanda na at may sakit sa mga Bahay Kalinga ng mga Embahada.