MANILA, Philippines – Malabo pa umanong maipatupad sa buwan ng Marso ang planong taas-pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).
Ito ang sinabi kahapon ni Department of Transportation and Communication (DOTC) Undersecretary Dante Velasco, matapos ang dalawang araw na konsultasyon na isinagawa nitong Biyernes at Sabado hinggil dito.
Ayon kay Velasco, tutol ang maraming sector sa naturang fare hike kaya’t imposibleng maipatupad nila kaagad ang planong pagtataas ng P1 kada kilometro sa pasahe ng LRT at MRT.
Sa kabila naman nito, binatikos pa rin ng mga militanteng grupo ang DOTC matapos na lumitaw sa isinagawang konsultasyon na wala naman pala umanong basehan ang planong fare hike.
Sinasabing nagisa rin sa sariling mantika ng iba’t ibang sektor ng transportasyon ang DOTC sa ikalawang araw ng ‘public consultation’ kahapon.
Ayon kay Renato Reyes, secretary general ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), napilitang aminin ng DOTC na walang batayan ang planong taas pasahe.
Lumilitaw kasi na noong nakarang taon, ang naitalang gastos ng LRTA para sa operasyon, maintenance, at suweldo ng mga nagtatrabaho sa tren ay nasa P2.535 bilyon.
Nalikom naman mula sa mga ibinayad na pamasahe ng mamamayan ay P2.807 milyon, o mas malaki na ng P300 milyon.
Unang sinabi umano ng DOTC na lumobo ang gastos sa tren dahil sa bilyun-bilyong dagdag na gastusin para sa ‘interest, bad debts, depreciation,’ at kung-anu ano pang bayarin sa mga pribadong korporasyon.