MANILA, Philippines – Upang maiwasan ang pagiging kaskasero ng mga bus drivers na nagiging sanhi ng aksidente lalo na sa EDSA, isinulong ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang panukalang batas na naglalayong gawing minimum ang sahod ng mga driver ng bus.
Sa Senate Bill No. 2664 o “Competence Accreditation Program and Minimum Wage for Bus Drivers Act” ni Santiago, sinabi nito na palaging iniuugnay ang aksidente ng mga bus sa Metro Manila at sa mga probinsiya sa kawalan ng training at sa suweldo ng mga drivers na palaging nagmamadali upang maka-quota.
“Bus drivers operate their vehicles in a reckless and speedy manner since their income is dependent on the number of trips they make and the passengers they ferry in their limited hours of work. They are in effect always pressured to move fast,” sabi ni Santiago.
Pinuna rin ni Santiago ang kawalan ng pormal na training ng mga drivers at parang palaging nangangarera sa mga lansangan.
Noong 2008, nakapagtala ng 4,825 aksidente ng bus ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) o average na 13 bawat araw. Sa unang limang buwan naman ng 2009, nakapagtala kaagad ng 1,488 bus-related accidents ang MMDA.
Sa pag-aaral na isinagawa ng Department of Transportation and Communication (DOTC) natuklasan na 85% ng mga aksidente sa lansangan ay dahil sa kamalian ng drivers.
Sa sandaling maging ganap na batas, ang mga bus driver ay tatanggap na ng minimum na sahod base sa itinakda ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.
Magiging requirement din para sa mga gustong maging bus drivers ang pagkuha ng theory and hazard perception tests at practical driving test na ibibigay ng DOTC.