Ping pwede pang arestuhin - DOJ
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima na puwede pang arestuhin si Senator Panfilo “Ping” Lacson dahil epektibo pa ang arrest warrant laban sa kanya hanggang hindi pa pinal na pinapawalang bisa ito.
Sinabi ni de Lima, na maliban na mayroong categorical pronouncement na final at executory na ang pagpapawalang bisa sa warrant of arrest ay hindi ito maaring alisin.
Hindi pa nababasa ng Kalihim ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagbabasura sa double murder case ni Lacson kaugnay sa Dacer-Corbito subalit pag-aaralan na rin ng DOJ kung ano pa ang kanilang maaring hakbang kabilang na dito ang paghahain ng motion for reconsideration o ang pag-apela sa Korte Suprema.
Tiniyak na rin ng abogado ng pamilya Dacer na si Atty. Demetrio Custodio na iaapela nila sa Korte Suprema ang desisyon ng CA.
Inihayag na rin ni State prosecutor Hazel Valdez na magsasampa sila ng motion for reconsideration upang kontrahin ang resolution ng CA dahil mayroon pa umano silang 15-araw upang umapela.
Dahil dito kaya nanawagan din ang abogado na huwag itigil ang paghahanap laban sa Senador dahil hindi pa pinal ang desisyon ng CA kaya in-effect pa rin umano ang warrant of arrest laban dito.
Naniniwala si Custodio na kakatigan ng hukuman ang kanilang ihahaing apela na nagbabasura sa double murder case laban kay Lacson.
Magugunita na si Lacson ang itinuturong utak sa pagpatay kay Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Nagsimulang magtago ang senador noong Pebrero 2010.
- Latest
- Trending