Gen. Villanueva nabukulan ng P160M?
MANILA, Philippines - Lumutang kahapon ang posibilidad na “nabukulan” o hindi nakarating kay dating AFP chief of staff Diomedio Villanueva ang “pabaon” sa kanyang P160 milyon noong magretiro ito sa militar.
Ayon kay dating military officer George Rabusa, nagkaroon siya ng duda kung nakarating kay Villanueva ang P160 milyon dahil hindi naman siya ang personal na nagbigay ng nasabing salapi kundi ipinadaan niya ito kay dating military comptroller Carlos Garcia.
Sinabi ni Rabusa sa hearing ng Blue Ribbon Committee, idineposito muna niya sa isang branch ng Security Bank ang P160 milyon na iniutos ni Garcia na kunin na upang ipabaon kay Villanueva.
Dahil hindi pinayagan si Rabusa ng branch manager na kunin ng minsanan ang P160 milyon, paunti-unti umano nitong kinuha ang pera at ibinigay kay Garcia.
Pero nagkaroon umano ng duda si Rabusa na nakakarating kay Villanueva ang nasabing salapi.
Maging si dating AFP chief of staff Roy Cimatu ay nakatanggap din umano ng P80 milyon pabaon pero ipinadaan din ito kay Garcia.
Matatandaan na unang ibinunyag ni Rabusa ang pagde-deliver ng P50 milyon kay dating AFP chief of staff Angelo Reyes bukod pa dito ang P5 milyong buwanang payola noong nakaupo pa sa serbisyo.
Ibinunyag din ni Rabusa na sabit sina Reyes, Villanueva at Cimatu, at maging sina Garcia at Jacinto Ligot sa umano’y pagbili ng nasa P200 milyong halaga ng bala mula sa Thailand bukod pa sa $2 milyong unmanned aerial vehicle na ginawa ng walang public bidding.
Ayon kay Rabusa, kasama si Reyes sa pagbili ng P200 milyong halaga ng bala samantang siya at si Ligot naman ang umayos sa transaksiyon.
Kinumpirma naman kahapon ng bagong testigo na si Air Force Lt. Col. Antonio Ramon Lim ang mga isiniwalat ni Rabusa na katiwalian sa AFP.
Naluluhang humarap sa pagdinig ng Senado si Lim upang humingi ng proteksiyon para sa kaniyang pamilya.
Gusto niyang maging state witness nang hindi natatanggal sa serbisyo kung ilalantad niya ang buong katotohanan sa katiwalian na ginawa ng mga dating chief of staff.
Isang instructor pilot si Lim, mula sa PMA Class 1986 at kasama ni Rabusa na nagkakamada ng pera na idini-deliver umano kay Garcia na siyang kumukuha ng pabaon system para umano sa ilang mga magreretirong Chief of Staff sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Siniguro naman ng Malacañang na lahat ng suporta at proteksiyon ay handang ibigay ng gobyerno sa mga witness na nagbunyag ng mga anomalya sa AFP. (Malou Escudero/Joy Cantos/Rudy Andal)
- Latest
- Trending