6 PNP officials sinuspinde sa Russia trip
MANILA, Philippines - Muling pinagtibay ng tanggapan ng Ombudsman ang nauna nilang desisyon na nagpapataw ng anim na buwang suspensyon sa anim na opisyal ng Philippine National Police (PNP) dahil sa maanomalyang pagbiyahe ng mga ito sa Russia noong Oktubre 7-11, 2008.
Nagpalabas ng 13-pahinang kautusan si Ombudsman Ma. Merceditas Gutierrez na tuluyang nagsususpinde nang walang suweldo kina Disbursing Officer Samuel Rodriguez; Finance Service Director Orlando Pestano; Budget Division Director Tomas Rentoy III; Police Superintendent Elmel Pelobello; Directorate for Human Resources and Doctrine Development Director German Doria; at Directorate for Operations Director Silverio Alarcio, Jr.
Nahaharap sa kasong grave misconduct, kawalan ng katapatan at conduct prejudicial to the best interest of the service ang anim na opisyal.
Nag-ugat ang kaso sa maanomalyang pagbiyahe ng anim sa St. Petersburg, Russian Federation para sa isang opisyal na misyon bilang kinatawan ng PNP sa 77th Interpol General Assembly.
Hindi umano kuwalipikado ang anim na bumiyahe sa labas ng bansa alinsunod na rin sa batas.
Inakusahan din ang mga opisyal ng pulis na tumanggap ng travel allowances na mahigit sa halagang itinakda ng batas at nameke ng acknowledgment receipts para matakpan ang naigawad sa kanilang pondo na kinuha umano mula sa PNP Confidential and Intelligence Funds.
Gumamit din umano ang anim ng passports na nababasa lamang ng regular na makina na malinaw na paglabag sa Passport Law.
Iniba rin ng mga opisyal ang kanilang ruta na taliwas sa itineraryong kanilang isinumite at inaprubahan ng ahensiya. Business class pa ang tickets na kinuha ng mga ito sa halip na economy class sa kanilang pagbiyahe patungo sa St. Petersburg.
- Latest
- Trending