Super cyclone tatama sa Queensland
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng kautusan ang Australian government upang lumikas ang mga residente, kabilang ang mga Pinoy na tatamaan ng sinasabing pinakamalakas na bagyo o cyclone “Yasi” ang Queensland na kamakailan lamang ay binayo ng matinding pagbaha.
Pinapayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Australia ang mga Pinoy na nakatira sa mga maapektuhang lugar sa Queensland na lumikas sa ligtas na lugar.
Sa report na natanggap ng Department of Foreign Affairs, inilagay na ng Australian Bureau of Meteorology sa Category 5, o ang pinakamataas na level nag bagyo.
Ang landfall ng bagyo ay tinataya nilang “life threatening” o mapanganib sa buhay ng mga tao.
Ang Severe Tropical Cyclone “Yasi” ay may lakas na hangin na 295 kph (183 mph) at inaasahang mananatili ang lakas nito hanggang sa tumama sa lupa sa northeastern Queensland ng kinagabihan ng Miyerkules (oras sa Australia).
Ang pinakamalakas na hangin ay inaasahang tatama sa mga lugar ng Cairns, Innisfal, Port Douglas at Townsville kaya pinayuhan ang lahat ng nakatira dito na lumikas bago ang landfall ni “Yasi”.
- Latest
- Trending