Complainant sa estafa vs Asiatique iprinisinta ng NBI
MANILA, Philippines - Iprinisinta kahapon ng National Bureau of Investigation sa Department of Justice ang ilang reklamo sa isang bagong kasong estafa laban sa property developer na si Delfin Lee at walo pang katao kabilang ang isang manager ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG.
Bukod kay Lee na presidente ng Globe Asiatique, kinasuhan din sina GA employees Jacqueline Magsumbol, Christina Sagun, Jacqueline Gamboa, Helen Dizon, Elmer Nunag, Desiree Joy David, at Nanette Rose Haguiling. Kasama rin sa idinemanda si Atty. Alex Alvarez, manager ng Pag-IBIG foreclosure department.
Ang bagong kasong syndicated estafa na hindi napipiyansahan ay batay sa hiwalay na reklamo nina Evelyn Niebres, Ronald Gabriel San Nicolas at Catherine Bacani na pawang residente ng Xevera Homes; at Pag-IBIG Deputy chief Executive Officer at dating OIC Emma Linda Faria.
Sinabi ng NBI na ang mga complainant ay nagsampa ng magkakahiwalay na reklamo ng estafa hinggil sa double sale ng kani-kanilang lupa’t bahay sa Xevera.
Noong Setyembre 16, 2009, bumili si Niebres ng dalawang bahay sa Xevera Homes sa halagang P1,537,000. Pinangakuan siyang mabibigyan ng titulo. Nang mabigo siyang makuha ang titulo, nagberipika si Niebres sa Pag-IBIG at natuklasang ang housing loan para sa mga unit na binili niya ay ipinalabas para sa mga nagngangalang Girlie Santos Espanillo at Lerma Cariaga Villaflores sa pamamagitan ng GA.
Ganito rin ang nangyari kay Bacani na nagbayad sa GA ng P1,130,050 para sa isang unit at isang ekstrang lote sa Xevera Homes noong Hunyo 4. Wala rin siyang nakuhang titulo pero natuklasan niyang pinautang ng Pag-IBIG ang isang Emily Pagdato Bandillon para sa bahay na nabili na niya.
- Latest
- Trending