MANILA, Philippines - Sumugod kahapon at nagsagawa ng rally sa Commission on Elections (Comelec) ang may 1,000 supporters ni Taguig City Mayor Lani Cayetano upang ipahayag ang kanilang agam agam na magkaroon muli ng dayaan sa kautusan ng komisyon na mailipat ang mga ballot boxes ng Taguig sa Comelec warehouse.
Sinabi ng mga ralista, saksi sila sa uri ng pulitika mayroon sa Taguig at ang pag-upo ng bagong liderato ang nagbigay pag-asa sa kanila kaya hindi sila papayag na muling magkaroon ng maniobra sa mga ballot boxes.
Magugunita na si Mayor Cayetano ang tumalo kay dating Justice Dante Tinga noong 2010 mayoral race habang si Comelec chairman Sixto Brillantes ang naging lawyer ni Tinga sa protesta.
Siniguro naman ni Chairman Brillantes na hindi siya makikialam sa election protest ng kanyang dating kliyente.
Anila, wala din daw katiyakan na hindi madadala ang mga balota sakaling mailipat ito sa Comelec kaya tutol sila dito.
Kamakalawa ay naghain ng extremely urgen omnibus motion ang kampo ni Cayetano sa Comelec 2nd division na humihiling na irekonsidera ang nauna nang order na nag-uutos na ilipat ang mga ballot boxes at madesisyunan muna ang mga nakabinbin na petisyon.
“There is no urgency in the transfer of said ballot boxes to the Comelec warehouse as would justify this honorable court’s violation of the Rules of Procedure and disregard of protestee’s right to due process of law and neglect of the pending threshold matters and incidents”, nakasaad sa 7 pahinang mosyon.