MANILA, Philippines - Tinuligsa kahapon ni dating Supreme Court Justice Dante O. Tinga si Taguig City Mayor Lani Cayetano dahil sa umano’y pagmamaniobra upang huwag sundin ang utos ng Comelec na ilipat na ang 373 contested ballot boxes mula sa munisipyo ng lungsod patungo sa punong tanggapan ng poll body sa Maynila.
Ayon kay Tinga, “Sobra na ang ginagawang pagsuway ng kampo ni Cayetano sa mga lehitimong order ng Comelec at ito ay isang maliwanag na pagpapakita niya ng kawalang respeto sa mga umiiral na proseso na may kaugnayan sa election laws.”
Nanawagan si Tinga sa Commission on Elections na ipakitang kaya nitong ipatupad ang batas at mga kautusan na ipinalalabas na aniya ay ilang beses ding binabalewala at pinagtatawanan lang ni Cayetano at ng mga kasama niya.
Partikular niyang tinukoy ang pinakahuling utos ng 2nd Division ng Comelec noong Enero 27 ng taong kasalukuyan kung saan ay pinagpapaliwanag niya si Comelec NCR Director Michael Dioneda at Atty. Marianito Miranda, OIC ng Office of the City Treasurer ng Taguig kung bakit hindi sila dapat makasuhan ng indirect contempt dahil sa kabiguang sundin ang utos ng poll body na dalhin sa Comelec Philipost warehouse ang mga pinaglalabanang ballot boxes.
Sa kaugnay na order ay inatasan din ng Comelec sina Dioneda at Miranda na dalhin na sa Comelec Philipost warehouse ang mga ballot boxes kasama ang mga susi nito sa Enero 28 ng taong ito.
“Lumagpas na ang araw na nabanggit ay hindi pa rin nasunod ang utos ng Comelec 2nd Division at ito nga dahilan sa patuloy na pagtanggi nina Cayetano na sundin ang atas ng poll body,” wika pa ni Tinga.
Base sa mga ulat na nakakarating sa tanggapan ng Comelec, sa halip na sundin ang nasabing utos ay binarikadahan pa aniya ng mga tauhan ni Cayetano ang lugar na kinalalagyan ng mga ballot boxes at ikinandado ang mga pintuan kung kaya hindi na naman naipatupad ang utos na i-transfer na ang mga ito.