MANILA, Philippines - Umabot na sa P1.7 milyon ang hospital bill ng isang 34-anyos na overseas Filipino worker dahil lamang sa tetano dulot ng naapakang kinakalawang na pako sa Saudi Arabia.
Nakilala ang OFW na si Eduardo Vidal, mekaniko ng isang auto shop sa Al-Ahsa, eastern province sa Saudi at tubong Wao, Lanao del Sur.
Nabatid kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, mahigit 2 buwan na ngayong naka-confine sa Mousawat Hospital si Vidal at mahinang-mahina ang pangangatawan. Umaabot na rin umano sa SR150,000 o tinatayang P1.76 milyon ang kanyang bayarin sa ospital.
Handa naman umanong makipagtulungan sa Embahada ang employer ni Vidal para mapauwi ito sa Pilipinas. Gayunman, dahil sa maselang kalagayan nito ay hindi pa siya maaaring ibiyahe.
Si Vidal ay isinugod sa ospital noong Nobyembre 2010 matapos ma-impeksyon kasunod ng aksidenteng pagkakaapak nito sa isang kinakalawang na pako sa loob ng pinapasukang car shop.
Sa rekord, umalis sa Pilipinas ang nasabing OFW upang magtrabaho sa Saudi noong Setyembre 2008.