MANILA, Philippines - Nakatakdang humarap ngayon sa korte sa Hong Kong si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson at inaasahang maghahain ito ng “guilty plea” para sa kasong drug trafficking.
Una nang nagpahayag ng kahandaan ang kampo ni Rep. Singson, anak ni Ilocos Sur Gov Chavit Singson na maghain ng guilty plea sa korte na nakatakda sana noong Enero 26, 2011 subalit hindi natuloy ang pagdinig matapos mag-inhibit si Judge Stanley Chan, ng One Chai District Court sa Hong Kong.
Ilalaban din ng abogado ni Singson na si Atty. John Reading na ang kasong drug trafficking ng kanyang kliyente ay mapababa sa possession of illegal drugs dahil pansariling gamit lamang umano ang droga na nakuha sa kongresista.
Ayon sa mga law experts sa HK, ang pag-amin ni Singson sa kanyang kaso ay magpapababa ng sentensya nito na posibleng umabot sa tatlong taon at 9 na buwan kumpara sa habang buhay na pagkabilanggo.
Hulyo 11, 2010 ng maaresto si Rep. Singson habang papasok sa Chek Lap Kok International Airport sa Hong Kong at sinampahan ng kasong drug trafficking sa Tsuen Wan Magistracy’s Courts matapos makuha sa kanyang hand carry bag ang 26.1 gramo ng cocaine at dalawang tableta ng diazepam o Valium.
Naibaba naman ito sa 6.6 gramo matapos na maibawas ang timbang ng botelya na pinaglagyan ng droga.
Pinayagan naman ang kongresista na makapag-piyansa ng HK$2 milyon noong Agosto 19, 2010 sa kondisyong mananatili siya sa kustodya ng dalawang negosyanteng nagbayad sa kanya ng bail sa HK habang pinasurender ang kanyang travel documents sa North Police Station.