"Walang papaborang debeloper'- Binay
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Vice President at housing czar Jejomar C. Binay sa mga property developer na walang papaborang developer hangga’t siya ang tagapangulo ng Housing and Urban Development Coordinating Council at ng board ng Home Development Mutual (Pag-IBIG) Fund.
Sinabi pa ni Binay na inindorso ng HUDCC sa Bureau of Internal Revenue ang panukala ng isang grupo ng mga developer na dagdagan ang ceiling sa Value Added Tax exemption sa selling price ng bahay at lote mula sa kasalukuyang P2,500,000 hanggang P3,500,000.
“Umaasa kaming aaprubahan ito ng BIR,” sabi ni Binay.
Sinabi pa ng Bise Presidente sa kanyang talumpati sa induction ng mga opisyal ng Chamber of Real Estates and Builders Association sa Hotel Intercontinental kamakalawa ng gabi na ginagawa ng Pag-IBIG ang mga kinakailangang hakbang para matugunan ang mga problema ng developers.
“Lubhang maingat ang Pag-IBIG para mapangalagaan ang katatagan ng pondo. Pero tinitiyak ko sa inyo na tutugunan namin ang inyong problema at mabilis na ipapalabas ang inyong pondo na merong kaukulang kontrol,” wika niya.
- Latest
- Trending