Batas sa construction sites mahina
MANILA, Philippines - Inamin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kulang at mahina ang batas kaugnay sa pagpapatupad ng occupational safety at health standards sa mga pagawaan at construction sites, na kadalasang sanhi ng mga aksidente.
Ayon kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz, iniimbestigahan na nila ang nangyaring Eton tragedy at nirerepaso ang umiiral na panuntunan para matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos matukoy ng DOLE ang walong safety regulations violations ng contractor at developer ng Eton Residences sa Greenbelt, Makati City.
Sinabi ni Baldoz na maging ang mga preventive actions ay kanyang pinabubusisi gayundin ang safety plan bago magtrabaho ang isang construction worker.
Magkakaroon din ng frequent inspection ang DoLE at dapat na maging mandatory inspection. Sa ngayon aniya ay walang ganoong mandatory plan.
Kabilang sa mga natukoy na paglabag ng Eton ay ang kawalan ng permit to operate sa bumagsak na “improvised elevator” at ang kawalan ng safety and protective gear ng mga construction workers.
Sampung manggagawa ang namatay kamakalawa matapos bumigay at mahulog mula sa ika-28 palapag ang scalfolding na kanilang tinutuntungan habang nagkakabit ng glass panels sa Eton.
May ulat umano na umabot na sa 26 work-related deaths at 116 injuries ang nangyari noong 2009 sa construction sector.
Samantala sa ilalim umano ng batas, ay makakatanggap ng P12,000 na death compensation ang mga pamilya ng biktima bukod pa sa makukuha ng mga ito sa ilalim ng worker’s compensation claims ng Social Security System.
- Latest
- Trending