Yaman ng generals sisilipin
MANILA, Philippines - Hiniling ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) kay Pangulong Noynoy Aquino na isailalim sa lifestyle check ang lahat ng military generals kasunod ng ginawang pagbubunyag sa Senado ni ret. Col. George Rabusa na nagkakamal ng salapi ang mga nagiging pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa budget ng military.
Ayon kay Renato Reyes, secretary general ng BAYAN, dapat din umanong tingnan ang asset o ari-arian nina retired Gens. Hermogenes Esperon, Generoso Senga at Delfin Bangit na nagsilbi sa ilalim ng administration ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ginawa ni Reyes ang pahayag matapos ibulgar sa Senado ni Rabusa ang hinggil sa umano’y pagtanggap ng P5-milyon kada buwan ni dating AFP chief of staff Angelo Reyes, bukod pa ang P50-milyon ‘pabaon’ noong magretiro ito noong 2001.
Sinabi ng kalihim ng BAYAN na seryoso ang alegasyon hinggil sa nagaganap na malawakang corruption sa hanay ng mga heneral sa AFP kaya kailangan umanong busisiin ng kasalukuyang administration para hindi na ito maulit o kaya’y pamarisan ng mga kasalukuyang mataas na opisyal ng militar.
Inihayag pa ni Reyes na posibleng ma-demoralize ang mga enlisted men at junior officers kung hindi kikilos ngayon ang gobyerno hinggil sa umano’y systematic na corruption sa AFP.
Samantala, hihilingin ni Sen. Francis Escudero na imbestigahan na rin ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga nagdaang chief of staff ng AFP upang mabunyag kung sino-sino pang mga retiradong heneral ang nakatanggap ng pabaon.
Sinabi ni Escudero na kung totoong tradisyon na sa militar ang nasabing ‘pabaon’ at maging ang buwanang payola na tinatanggap ng chief of staff, panahon na umano upang mahinto ito.
Maliwanag aniya ang kawalan ng hustisya sa nangyayari dahil sa kabila ng kakulangan ng kagamitan ng mga ordinaryong sundalo ay nagpapasasa naman sa sobra-sobrang pera ang mga opisyal ng AFP.
Dapat din aniyang mabunyag kung sino ang mga opisyal ng militar na kumukupit sa pondo ng iba’t ibang departamento at opisina sa AFP upang ipamahagi sa mga matataas na opisyal.
Matatandaan na ibinunyag din ni Rabusa na halos umabot sa P1 bilyon ang naipon para sa “provisions for command directed activities” (PCDA) fund na pinapakinabangan naman ng mga matataas na opisyal ng militar.
- Latest
- Trending