P-Noy 'di magtatalaga ng anti-crime czar
MANILA, Philippines - Walang plano si Pangulong Noynoy na magtalaga ng anti-crime czar matapos maganap ang madugong bus bombing kung saan ay 5 katao ang nasawi sa Makati City.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na hindi na kailangan ang anti-crime czar dahil tiwala si Pangulong Aquino sa kanyang Gabinete.
Wika ni Lacierda, walang nakikitang dahilan si PNoy na magtalaga ng anti-crime czar dahil naririyan naman ang DILG chief, PNP chief, AFP chief at ang kanyang National Security Council members.
Magugunita na ilang sector ang humiling kay Aquino na magtalaga ng permanenteng anti-crime czar matapos ang sunod-sunod na carnapping at ang bus bombing kamakailan.
Naniniwala rin ang Malacañang na hindi lubos na makakaapekto sa business climate ang nangyaring bus bombing matapos sabihin ni Trade Sec. Gregory Domingo na sa loob ng 2 linggo hanggang 2 buwan ay malilimutan na ang nasabing karahasan at magpapatuloy ang masiglang pagnenegosyo sa bansa.
- Latest
- Trending