MANILA, Philippines - Nakatikim kahapon ng sermon sa Senado sina Philippine National Police (PNP) chief director General Raul Bacalzo at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jessie Robredo kaugnay sa sunod-sunod na krimen na nangyayari sa bansa lalo na sa Metro Manila.
HIndi naging katanggap-tanggap kay Senate President Juan Ponce Enrile ang ginawang pag-amin ni Bacalzo na wala pa silang ideya kung sino ang nasa likod sa nangyaring pagpapasabog ng isang bus sa Makati kamakalawa kung saan lima ang manatay at umabot sa 13 ang nasugatan.
Humarap sina Bacalzo at Robredo sa hearing ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs kung saan humingi ang mga senador ng update sa pangkalahatang peace and order situation sa bansa lalo na sa sunod-sunod na nangyaring krimen katulad ng kidnapping, carnapping, murder, at ang pinakahuli ay ang pagpapasabog ng bus.
Sinabi ni Enrile na noong panahon niya bilang kalihim ng Department of National Defense, hindi nagkakaroon ng halos sunod-sunod na krimen dahil ginagawa ng kaniyang departamento ang kanilang trabaho.
Pinagdudahan rin ni Enrile ang mga ebidensyang nakuha ng pulisya sa hideout ng Dominguez carnapping syndicate sa Pampanga partikular ang nasa 20 plaka ng sasakyan at ang nasunog na driver’s license ni Venson Evangelista, ang biktima ng carnapping na sinunog matapos nakawin ang sasakyan.
Ipinagtataka ni Enrile kung paanong napunta sa safe house sa San Fernando, Pampanga ang lisensiya na sunog ang ilang bahagi gayong sa Nueva Ecija natagpuan ang bangkay ng biktima.
Hindi umano susunugin ng mga kriminal ang katawan ng biktima at kukunin naman ang driver’s license nito para dalhin sa hide out.