MANILA, Philippines - Nais ni Sen. Ralph Recto na makialam na ang gobyerno sa halos linggo-linggong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at igiit ang pagkakaroon ng 30-day waiting period.
Ayon kay Recto, masyadong mabigat para sa mga motorista ang halos linggo-linggong oil price hike. Kung magkakaroon ng isang buwang palugit para sa pagtaas sa presyo ng langis ay mas na makakapaghanda ang mga motorista.
Dapat din umanong igiit ng gobyerno ang pagpapatupad ng mga kumpanya ng langis ng “first in first out policy” sa pagsasaayos ng kanilang inventory.
Hindi aniya dapat ibenta sa mas mataas na presyo ang mga produktong petrolyo na nabili naman sa mas mababang halaga.
“This means that oil stocks bought at lower prices or before any upward global price movement should be the first stocks to be sold to the public,” ayon pa kay Recto.
Kahapon ay ipinatupad ang P1 kada litro dagdag sa presyo ng diesel, P0.75 sa kerosene at P0.50 sa gasoline.
Giniit naman ng Malacañang na bagama’t hindi mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng langis dahil na rin sa pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan, gumagawa ng pamamaraan ang gobyerno upang mabawasan ang pasanin ng taumbayan na idudulot nito.
Iniutos ni Pangulong Aquino sa DOE na humanap ng mga solusyon upang mapagaang ang epekto ng oil price hike tulad ng pag-explore sa alternative fuel upang makabawas ang pagdepende sa oil. (Malou Escudero/Rudy Andal)