Prime suspect sa Bar exam blast, lumutang
MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, lumutang sa Department of Justice (DOJ) ang pangunahing suspek na miyembro ng Alpha Phi Omega fraternity (APO) sa pagsabog sa huling araw ng Bar examination noong nakaraang taon upang dumalo sa pagdinig.
Si Anthony Nepomuceno, miyembro ng Apo fraternity ay dumalo sa preliminary investigation sa DOJ kaugnay sa September 26, 2010 bar blast sa harap ng La Salle University sa Taft Avenue Maynila.
Dumalo din sa pagdinig si Raissa Laurel na biktima ng pagsabog at naputulan ng paa kasama ang kanyang abogado na si dating Senador Aquilino Pimentel Jr,
Pinangunahan naman Senior State Prosecutor Gerald Gaelan ang preliminary investigation ng kasong kriminal na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Nepomuceno.
Mariin naman pinabulaanan ni Nepomuceno ang akusasyon sa kanya na siya ang naghagis ng granada sa tradisyunal na salubong sa huling araw ng Bar examination.
Magugunita na bukod kay Laurel na naputulan ng mga paa, umabot sa 40 katao ang nasugatan sa naturang insidente.
- Latest
- Trending