MANILA, Philippines - Inilipat na sa Camp Crame ang itinuturong utak ng carnap gang na si Raymond Dominguez matapos itong kasuhan sa QC Prosecutors Office kasama ang kapatid na si Roger at 7 iba pa kaugnay sa pagdukot at pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista.
Sinabi ni PNP chief Raul Balcazo, matibay ang ebidensiya ng pulisya laban kay Raymond batay sa testimonya ng dalawang suspect na sina Allan Mendiola at Batibot Parulan.
“The evidence is strong. We just have to file dahil iyon ang require ng batas,” wika pa ni Bacalzo.
Aniya, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang mabigyan linaw naman ang pagkamatay ng car dealer na si Emerson Lozano at driver nitong si Ernani Sensil.
Wika pa ng PNP chief, hindi pa rin nila itinuturing na sarado na ang kaso ni Evangelista dahil nais pa rin nilang malaman ang tunay na motibo sa pagpatay sa car dealer gayundin upang matukoy kung sinu-sino ang sangkot sa nasabing sindikato.
Sinabi pa ni Bacalzo, nagtataka sila kung bakit parating nakakalusot si Dominguez sa kabila ng 31 carnapping case nito.
Iginiit naman ni DILG Sec. Jesse Robredo, hindi under police protective custody si Dominguez bagkus ay sumuko ito dahil tinukoy siyang sangkot sa kaso.
Taliwas ito sa pahayag ni PRO 3 director Alan Purisima at PNP spokesman Agrimero Cruz na nasa ilalim daw ng protective custody si Dominguez matapos kusang sumuko.
Nilinaw naman ni PNP chief Bacalzo, malakas ang ebidensiya ng pulisya laban kay Dominguez matapos itong ikanta nina Mendiola at Parulan na sinasabing mastermind sa pagpatay kay Evangelista kasama ang kapatid nitong si Roger Dominguez.
Mariing itinanggi naman ni Raymond ang anumang kinalaman sa kaso kaya ito kusang loob na sumuko sa Bulacan PNP.
Nanawagan naman si Atty. Oliver Lozano sa pumaslang sa kanyang anak na si Emerson at driver nitong si Sensil na sumuko na ito sa batas.
Samantala, pinakansela naman ni Bacalzo ang lisensiya ng baril ni Raymond na inisyu dito ng PNP Firearms and Explosives Division.
Sa kabilang dako, nais ni Sen. Vicente Sotto III na matukoy ang mga hukom na pumayag sa paulit-ulit na paglalagak ng piyansa ni Dominguez sa 31 kaso nito ng carnapping.
Nais ni Sen. Sotto na maging non-bailable ang kasong carnapping upang hindi na umano maulit ang nangyari kay Dominguez na umabot ng 31 ang kasong kinasasangkutan nito.
Nais naman ni Sen. Francis Escudero na amyendahan ang Anti-Carnapping Act of 1972, kung saan ay nais nitong itaas sa parusang 20-40 taong pagkakabilanggo ito.