Mahusay na lider, hindi bagong gamit sa PNP
MANILA, Philippines - Hindi umano solusyon sa problema na kinakaharap ng kapulisan ang pagbili ng mga bagong kagamitan para sa PNP kundi isang lider na may eksperto sa paghawak ng krisis.
Ito ang paniwala ng isang mataas na opisyal ng Philippine National Police na tumangging magpabanggit ng pangalan, bilang tugon sa pahayag ni Police Director Rey Lanada, pinuno ng PNP directorate for comptrollership, ukol sa “fiscal reform” o modernisasyon ng liderato ng pulis bilang sagot umano sa gusot sa PNP.
Ayon sa source, si Lanada ay kwalipikado na maging PNP chief ngunit hindi ito ang tamang panahon para “mangampanya”.
“Kung ikaw ay nangangarap na maging PNP chief, kailangan ay eksperto ka sa paghawak ng krisis,” wika niya na tumutukoy sa naganap na Luneta hostage-taking noong isang taon kung saan napahiya ang PNP at ang administrasyon ni Pangulong Aquino.
Dagdag niya, “Ang pagbabago ay magaganap lamang kung ang isang lider ay may kaukulang karanasan at kakayahan sa paghawak ng mga krisis.”
Nakatakdang magretiro si PNP chief Director General Raul Bacalzo sa Setyembre 15 ngayong taon kapag naabot na niya ang mandatory retirement age na 56. Lumabas din ang mga balita ng maagang pagreretiro ni Bacalzo dahil sa mga naganap na patayan at carjacking kamakailan.
“Bilang mga opisyal, magkaisa tayo upang tulungan si PNP Chief Bacalzo upang masugpo ang mga krimen,” wika ng opisyal
Sa isang interbyu, sinabi ni Lanada, miyembro ng PMA Class 79, na ang modernization program ay magbibigay sa pulis ng kailangang kagamitan para sa operasyon. Ang badyet ng PNP ngayong taon ay P69.4 bilyon kumpara sa P40.0 bilyon noong 2010.
Si Lanada ay dating director ng Police Regional Office 8 sa Eastern Visayas kung saan siya ang namuno sa kampanya upang makuha ang 2 toneladang cocaine na itinapon ng sindikatong Tsino sa Samar noong Disyembre. Siya ay dating direktor ng PNP Finance Service.
Ayon sa mga source sa Camp Crame, ang tatlong mahalagang panuntunan sa pagpili ng bagong PNP chief ay track record, pagiging malusog ng pangangatawan at loyalty sa Konstitusyon at gobyerno.
Isa pang panuntunan ay ang magandang kontribusyon ng isang opisyal sa pagpapabuti ng peace and order situation sa bansa.
Isa pang opisyal ang nagsabi na ang paghirang sa susunod na PNP chief ay dapat ring ibatay sa dalawang bagay. Una, dapat maiwasan ng susunod na PNP chief na ilagay sa kahihiyan ang Pangulo, at pangalawa, hindi dapat masira ang institusyon ng PNP.
- Latest
- Trending