Hamon sa PNP at DILG: Protektor ng kidnap gang pangalanan
MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang hepe ng pulisya sa Cotabato City at ang Department of Interior and Local Government na pangalanan at sampahan ng kaso ang mga opisyal na nagsisilbing protektor ng kidnappings sa kanilang lugar.
“Maglabas ng mga pangalan at magdemanda kung merong ebidensya,” sabi ni Escudero matapos maiulat na naaresto na ang mga suspek na responsable sa serye ng kidnappings.
Sinabi umano ni Police Senior Superintendent Willie Dangane kamakalawa na sinabi ng mga nahuli nilang suspek sa kanilang sinumpaang salaysay na ang kaniyang grupo ay pinapatakbo at pinoprotektahan ng mga tao mula sa gobyerno.
Pero hindi umano pinangalanan kung sino ang mga sinasabing opisyal na protektor ng mga kidnappers.
Ayon kay Escudero, Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, balewala ang nasabing pahayag ni Dangane kung walang gagawing hakbang ang pulisya upang malantad ang mga sinasabing opisyal.
Naniniwala si Escudero na posibleng maulit ang mga serye ng kidnappings kung hindi matutukoy ang mga sinasabing protektor na nakikinabang sa ilegal na gawain.
- Latest
- Trending