MANILA, Philippines - Sinusuportahan ng Malacañang ang plano ni Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes na muling imbestigahan ang kontrobersyal na “Hello Garci” scandal na nabunyag noong 2005.
Sinabi ni Deputy presidential spokeswoman Abigail Valte sa isang ulat kahapon na ipapaubaya ng Palasyo kay Brillantes kung paano nito isasagawa ang plano.
Sang-ayon ang Palasyo na kailangang masara na ang naturang iskandalo na kinasasangkutan ng nai-tapped na pag-uusap sa cell phone nina noo’y Pangulong Gloria Arroyo at dating Commission on Elections Commissioner Virgilio Garcillano kaugnay ng halalang pampanguluhan noong 2004.
“Mas magandang matapos na ang isyung ito. Hindi tama na magpapatuloy nang walang katapusan ang malaking iskandalong ito,” sabi ni Valte.
Ipinahiwatig sa pag-uusap na plinano umano ni Garcillano na dayain ang mga boto para kay Arroyo na kandidato ng administrasyon sa nabanggit na halalan.
Pinabulaanan ni Garcillano ang akusasyon habang humingi ng paumanhin si Arroyo sa pagkakatawag niya sa huli.
Nagbunsod sa paghahain ng ilang kasong impeachment laban kay Arroyo ang naturang iskandalo pero nalusutan ito ng dating pangulo na ngayon ay kongresista ng Pampanga.