'Strike 2' policy sa mga Gabinete na hindi makakalusot sa CA
MANILA, Philippines – Upang hindi na maulit ang mga kalakaran noong nagdaang administrasyon kung saan paulit-ulit lang na itinatalaga sa puwesto ang mga miyembro ng Gabinete na hindi nakakalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA), inihain sa Senado ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng “strike two” policy sa mga hindi makukumpirma ng CA.
Sa Senate 2605 na inihain ni Senator Manny Villar, nais nitong ipagbawal ang muling pagtatalaga ng Pangulo o re-nomination sa isang ad-interim appointee o nominee na dalawang beses na-bypass ng CA.
Ayon kay Villar, panahon na upang masiguradong hindi maabuso ang “power of appointment” ng Pangulo na pilit na pinananatili sa puwesto ang mga miyembro ng Gabinete na hindi naman nakalusot sa CA.
Ang nasabing panukala ay naunang inihain ni dating Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., noong nakaraang 14th Congress.
Muli na naman isasalang sa CA ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Aquino na hindi pa nakukumpirma.
Nais ni Villar na patawan ng parusang pagkakulong ng anim na buwan o pagmultahin ng P100,000 ang Executive Secretary at sinumang opisyal sa Office of the President na magsusumite pa rin ng nominasyon ng isang re-appointment na dalawang beses nang hindi nakalusot sa CA.
Pagkabilanggo naman ng tatlong buwan at multang P50,000 ang isang appointee o nominee na tatanggap ng kanilang reappointment o renomination kahit dalawang beses na siyang na by-pass.
Nasa apat pa lang na miyembro ng gabinete ni Pangulong Aquino ang nakalusot sa CA na sina DepEd Sec. Armin Luistro; Tourism Sec. Alberto Lim; Agriculture Secretary Proseso Alcala at Rogelio Singson ng DPWH.
Hindi naman pinalad sa unang pagsalang sa CA si Energy Secretary Jose Almendras matapos ma-bypassed ng CA sa huling sesyon noong 2010.
Muling isasalang sa kumpirmasyon ang ad interim appointment ni Almendras sa CA ngayong Enero 26.
- Latest
- Trending