LTO chief pinagbabakasyon muna
MANILA, Philippines - Iminungkahi ng Department of Transportation and Communications (DoTC) kay LTO chief Virginia Torres na magbakasyon muna sa kanyang trabaho habang sinasagot nito ang mga alegasyon at bintang ng Stradcom Corporation na nakipagsabwatan ito sa nabigong pagkubkob sa Stradcom building noong nakaraang buwan.
Ginawa ni DoTC Sec. Jose de Jesus ang pahayag upang masiguro at maprotektahan ang proseso ng imbestigasyon at hindi din madamay ang pinangangalagaang integridad ng kanyang ahensiya sa kinasasangkutang kaso..
Gayunman, sinabi ni de Jesus bagamat naisumite na sa tanggapan ng Department of Justice ang naturang kaso, ay bahala na umano ang DOJ na magsiyasat at sumuri sa mga posibilidad kung talagang nakipagsabwatan si Torres at executive assistant nito na si Menelia Mortel sa grupo ng mga negosyanteng nais kumubkob sa Stradcom building na sina Bonifacio Sumbilla at Aderito Yuico.
Nagsagawa ng pagdinig ang DOJ nitong Martes subalit hindi dumating si Torres at grupo ni Sumbilla dahil sa busy umano nitong schedule.
Ipinirisinta ng Stradcom ang kanilang mga ebidensiya kabilang ang kopya ng CCTV tapes at ang report ng Urduja Security Services na inutusan umano sila ni Torres na huwag makialam sa gulo isang araw bago ang insidente.
- Latest
- Trending